Ni-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 46 na pasahero ng isang bangka na nasiraan ng "engine" habang naglalayag sa katubigan ng Sitio Puruhan, Barangay Dinahican, Infanta, Quezon bandang 11:45 a.m. kahapon, ika-02 ng Marso 2022.

Gamit ang MBCA PANUKULAN, agad na tumulak ang search and rescue (SAR) team na binuo ng PCG Sub-Station Real at PCG-Sub-Station Infanta matapos matanggap ang "distress call" mula sa may-ari ng MB JESSICA-3 na si Mr. Gideon Villamin.

Nang matagpuan ang nasiraang bangka, maingat na inilikas ang mga pasahero ng MB JESSICA-3. Sa kabutihang palad, na-kontrol ng kapitan na si Mr. Edison Batalia, sa tulong ng apat na tripulante, ang pagpasok ng tubig sa bangka, hanggang sa dumating ang SAR team.

Itinali sa MBCA PANUKULAN ang MB JESSICA-3 para makarating sa Port of Dinahican kung saan ito isinailalim sa "engine repair."

Sa isinagawang imbestigasyon, ibinahagi ng kapitan ng bangka na may tumamang “floating debris” sa MB JESSICA-3 habang bumibyahe mula Infanta, Quezon papuntang Panukulan, Quezon. Dahil dito, nabutas ang bangka kaya pumasok ang tubig-dagat na naging sanhi ng pagkasira ng "engine" nito.