Ipinag-utos ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, ang deklarasyon ng “heightened alert” sa PCG District Southern Tagalog kasabay ng muling pag-a-alboroto ng Bulkang Taal ngayong umaga, ika-26 ng Marso 2022.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), itinaas sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang estado ng Bulkang Taal matapos ma-monitor ang “short-lived phreatomagmatic burst” na sinundan ng “phreatomagmatic activity.”

“Taal Volcano Main Crater generated a short-lived phreatomagmatic burst which was followed by nearly continuous phreatomagmatic activity that generated plumes 1500 m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals,” paliwanag ng PHIVOLCS.

Kasunod nito, agad na nag-dispatch ng isang deployable response group (DRG) ang PCG Station Batangas para mabantayan ang sitwasyon at mga susunod pang aktibidad ng Bulkang Taal.

Samantala, ipinag-utos rin ni CG Admiral Abu ang pagpapatrolya ng PCG Sub-Station Talisay at PCG Sub-Station San Nicolas para magpatupad ng “force evacuation” sa lahat ng mga mangingisda at fish cage workers sa katubigan ng Taal Volcano Island.

Naka-antabay na rin ang dalawang PCG trucks sa Batangas para makatulong sa paglikas ng mga apektadong residente.

https://fb.watch/b_pmVA1V2I/