Sa post na ito, nais naming linawin ang isyu tungkol sa benepisyo ng 541 retiradong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na may ranggong Chief Petty Officer (CPO), Senior Chief Petty Officer (SCPO), at Master Chief Petty Officer (MCPO).

Nagsimula ang isyu noong 2017 kung kailan binago ng  Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang interpretasyon sa ‘retirement benefits clause’ na nakasaad sa Republic Act 9993 o ang Philippine Coast Guard Law of 2009.

Sa lumang intepretasyon, nakasaad na ang buwanang benepisyo ng mga retiradong PCG enlisted personnel na may ranggong CPO, SCPO, at MCPO ay katumbas ng base pay at longevity pay ng susunod na mas mataas na ranggo – ang ranggong Ensign. Mga benepisyo naman ng ranggong Lieutenant Junior Grade (LTJG) ang para sa mga retiradong PCG enlisted personnel na may ranggong First Master Chief Petty Officer (FMCPO).

Ang ranggong Ensign ay katumbas ng Second Lieutenant sa Armed Forces of the Philippines (AFP), samantalang ang ranggong LTJG naman ay katumbas ng First Lieutenant.

Pero sa panibagong interpretasyon ng DBM, nilinaw nila na ang mga retiradong PCG enlisted personnel na may ranggong FMCPO ang dapat makatanggap ng base pay at longevity pay ng ranggong Ensign. Lumiit ang benepisyo ng grupong ito, ngunit wala sa kanila ang naghain ng reklamo.

Ang mga reklamong natanggap ng PCG ay mula sa 541 retirees na may ranggong CPO, SCPO, at MCPO. Ayon sa kanila, hindi katanggap-tanggap ang mas mababang benepisyong nakukuha nila kumpara sa buwanang benepisyo ng kanilang mga kasabayan sa serbisyo o counterpart sa AFP.

Nang matanggap ang balitang ito, agad na umapela si dating PCG Commandant, Admiral Elson E Hermogino para maitaguyod ang kapakanan ng mga kasamahan sa serbisyo. Ayon kay Admiral Hermogino, hindi patas ang interpretasyong ito dahil tila magkaiba ang trato ng DBM sa mga retiradong miyembro ng AFP at PCG, kahit pa pareho namang ‘uniformed service' ang dalawang organisasyon.

Nang umupo bilang PCG Commandant noong Hunyo 2020, pinrayoridad ni Admiral George V Ursabia Jr ang muling pagaapila sa Office of the President para maipanawagan ang pagbibigay ng panibagong intepretasyon sa ‘retirement benefit clause’ ng RA 9993.

Hiniling niya ang pagtataguyod ng kapakanan ng mga retiradong miyembro ng PCG na walang ibang inaasahan kundi ang buwanang benepisyo mula sa gobyerno.

Habang hinihintay ang sagot ni Pangulong Rodrigo Duterte, tinutukan din ni Admiral Ursabia ang pagaamiyenda sa naturang batas para tuluyang matuldukan ang usapin. Lumapit at nagpaliwanag siya sa mga mambabatas sa Senado at Kongreso para tulungang maipasa ang amendment sa RA 9993, lalo na ang probisyon ng sweldo ng mga retiradong PCG enlisted personnel.

Nagbuo din ang Coast Guard Commandant ng grupo ng mga abugado para tutukan ang pagsulong ng amendment sa batas at pakikipag-usap sa mga opisyal ng DBM.

Nauunawaan po ng kasalukuyang pamunuan ang pagkabahala ng mga apektadong PCG retirees, kaya naman ginagawa nito ang lahat para masigurong maibibigay muli ang nararapat at sapat na benepisyo sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, hiling po namin inyong pangunawa habang hinihintay ang sagot ng ating Presidente at aksyon ng DBM sa usaping ito.

Nawa’y matigil na po ang pagpapakalat ng mga malisyosong mensahe sa social media na layong sirain ang imahe ng PCG sa publiko dahil nababalewala nito ang serbisyong inukol natin sa bayan; pagbubuwis ng buhay tuwing may kalamidad; pakikipaglaban sa pandemya, at pagbabantay sa ating karagatan.

Sa lahat ng ating ginawa para ipaglaban ang karapatan ng mga apektadong PCG retirees, hindi po katanggap-tanggap sa kasalukuyang pamunuan ang patuloy na paninira ng ilang indibiduwal na imbis makatulong, ay lalong nagpapalala sa problema.

Bagamat malaya tayong ihayag ang ating personal na saloobin, sana lamang po ay hindi natin ito gamitin para dungisan ang reputasyon ng sinumang opisyal ng organisasyon kung saan tayo naglingkod ng humigit-kumulang 30 taon. Hindi rin po naaayon ang ganitong hakbangin na malinaw na paglabag sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bukas po ang National Headquarters para sa mga PCG retirees kung may katanungan tungkol sa benepisyo o anupamang usapin na may kinalaman sa kanilang kapakanan. Handa po kaming makinig sa bawat reklamo o problema at nangangakong tutulong sa abot ng aming makakaya.

Sa panahong ito, dalangin namin ang kaligtasan at maayos na kalusugan para sa lahat.