Ngiti ang ipinambati ng mga mangingisdang nakasalubong ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc noong ika-24 at ika-25 ng Abril 2021.

Liban kasi sa kapanatagang ibinigay sa kanila ng presensiya ng BRP Sindangan (MRRV-4407), naramdaman din ng mga mangingisda ang malasakit ng mga PCG personnel na namahagi ng relief supplies.

Ang bawat isang relief pack ay naglalaman ng tatlong kilong bigas, 10 pirasong canned goods, at dalawang pakete ng instant noodles.

Naganap ang 'BAYANIHAN SA KARAGATAN' kasabay ng maritime exercise ng mga barko ng Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pinangunahan ng Task Force Pagsasanay.

Layon nitong maitaguyod ang kaligtasan ng mga mangingisda at masigurong mayroon silang sapat na pagkain at inumin sa laot. Inalam din ng mga PCG personnel kung mayroon silang radyo para agad na makahingi ng tulong o makatanggap ng impormasyon tungkol sa pinakahuling lagay ng panahon.

Bilang isang 'humanitarian armed service', mandato ng Coast Guard na itaguyod ang seguridad ng ating katubigan at protektahan ang kapakanan ng ating mga kababayan na nakaasa sa karagatan para mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang pamilya.