Iniligtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang batang muntik malunod dahil sa malakas na alon sa katubigan ng Barangay Rawis, Calbayog City, Samar noong ika-11 ng Oktubre 2021.
Nang mapag-alaman ang insidente mula sa isang concerned citizen, agad na pinuntahan ng dalawang PCG rescue personnel ang nabanggit na katubigan.
Gamit ang life line rope, nailigtas ang dalawang bata. Tumulong din sa rescue operation ang concerned citizen na kinilalang si Mr. Bernie Dumagis.
Dinala ang mga bata sa Coast Guard Sub-Station Calbayog para mabigyan ng karagdagang tulong at makapagsagawa ng imbestigasyon.
Kinilala ang mga biktima na sina Mark Gerol Llever (11 taong gulang) at John Wilson Llever (6 na taong gulang), mga residente ng Barangay Aguit-itan, Calbayog City.
Ayon sa kanila, naliligo sila malapit sa Calbayog City Coastal Road Seawall nang biglang nagkaroon ng malaking alon na tumangay sa kanila sa mas malalim na parte ng katubigan.
Nang masiguro ang kanilang kaligtasan, hinatid sila sa barangay hall ng Barangay Aguit-itan para ma-i-turnover sa kanilang mga magulang na hindi naabutan ng PCG nang personal na bisitahin ang tahanan ng mga bata.