Nagtulungan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pag-apula ng sunog sa Barangay 649 Baseco, Maynila bandang 08:00 p.m. kahapon, ika-19 ng Mayo 2022.
Nadiskubre ng PCG Sub-Station Delpan ang naturang insidente habang nagpapatrolya. Agad nilang tinawagan ang BFP para humingi ng tulong, habang inalertuhan naman ang mga barko at iba pang sasakyang pandagat na malapit sa pinangyarihan ng sunog.
Liban sa 10 PCG assets na dineploy para apulahin ang sunog at ilikas ang mga residente, sumaklolo rin ang Quick Response Team ng PCG Auxiliary (PCGA) 101st Squadron.
Idineklarang “fire out” matapos ang apat na oras na joint firefighting ng PCG at BFP.
Sa inisyal na imbestigasyon, walang naitalang nasugatan o nasaktan kasunod ng sunog.
Patuloy naman ang pakikipag-koordinasyon ng PCG sa BFP para malaman ang lawak ng pinsala sa mga apektadong pamilya para sa isasagawang relief operation.