Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na “recruiter” ng PCG Auxiliary (PCGA) o ang civilian volunteer arm ng serbisyo.
Noong Disyembre 2022, nakatanggap ng report ang PCG tungkol sa isang grupo na nagpakilala bilang “101st Balangay ng PCGA” para maka-recruit ng mga miyembro sa Bataan, partikular sa Hermosa, Abucay, at Morong.
Hindi rin otorisado ang paggamit sa logo at pangalan ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), PCG, at PCGA sa mga aktibidad ng grupo sa probinsya.
Ayon sa mga biktima, liban sa Php 15,000 na ibinayad nila bawat isa, pinag-resign pa sila sa trabaho at binigyan ng responsibilidad bilang mga security personnel.
Pinangakuan din sila ng Php 30,000 na allowance kada buwan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alaman ng PCG Station Bataan na umabot na sa 480 residente ang nabiktima ng naturang grupo sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan.
Karamihan sa mga ito ay “indigent.”
Liban sa pagpapanggap bilang opisyal na sangay ng PCG Auxiliary, pinangako rin ng grupo na magsasagawa sila ng livelihood program para sa mga miyembro nito.
Magbibigay din sila ng isang malaking bangkang pangisda para sa mga recruit sa Barangay Mabayo.
Kwento pa ng mga biktima, hindi sila hiningian ng Php 15,000 tulad ng mga recruit sa ibang barangay, pero umabot sa Php 20,000 ng naubos ng bawat isa para sa kanilang pagsali sa grupo.
Dahil dito, kinailangan nilang magbenta ng mga kagamitan at alagang hayop.
Pinag-aaralan na ng PCG ang paghahain ng kaso laban sa mga suspek sa likod ng naturang grupo.
Panawagan naman ng PCG sa publiko, i-report sa pinakamalapit na Coast Guard District, Station, o Sub-Station ang sinumang magpapakilala bilang miyembro ng PCG o PCGA kapalit ng anumang halaga para maging bahagi ng serbisyo.
Para hindi mabiktima ng ganitong mga insidente, tumutok sa official Facebook page ng PCG kung saan naglalabas ng mga anunsyo patungkol sa nationwide recruitment.
Samantala, maaaring namang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Coast Guard unit sa inyong lugar kung nais maging isang PCGA volunteer.
Bilang isang civilian volunteer arm, walang sahod o allowance ang mga miyembro nito.
Ang PCGA ay binubuo ng mga indibidwal na tumutulong sa PCG sa pagsasakatuparan ng mga mandato nito, na walang inaasahang kapalit.
###