Nakahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para masiguro ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng milyung-milyong deboto na dadagsa para sa pagdiriwang ng Nazareno 2023.

Naka-heightened alert ang PCG District National Capital Region-Central Luzon (NCR-CL) mula ika-07 hanggang ika-09 ng Enero 2023 para magsagawa ng maritime safety and maritime security operations sa Manila Bay at Pasig River.

Tututukan dito ang mga katubigang sakop ng Jones Bridge, MacArthur Bridge, Quezon Bridge, at Ayala Bridge, gayundin ang likod na bahagi ng Quirino Grandstand.

Ayon kay PCG District NCR-CL Commander, CG Commodore Hostillo Arturo Cornelio, humigit-kumulang 10 Coast Guard floating asset tulad ng fast patrol boat, aluminum boat, rubber boat, rigid hull inflatable boat, at ferry boat ang i-de-deploy para labanan ang anumang banta sa kaligtasan ng mga deboto.

Liban sa mahigpit na pagpapatrolya, magsasagawa rin ng underwater inspection sa mga nabanggit na katubigan.

Magpapakalat din ng daan-daang Coast Guard security personnel, medical team, K9 unit, at Explosive Ordnance Disposal (EOD) specialist sa mga kritikal na lugar sa Maynila.

“Dalawang taon ding natigil ang tradisyong ito dahil sa pandemya, kaya inaasahan natin na dadagsa ang mga deboto para makibahagi sa mga aktibidad ng simbahan ngayong taon,” ani CG Commodore Cornelio.

“Kaya makakaasa ‘ho ang ating mga kababayan na katuwang nila ang PCG para maging matagumpay ang overnight vigil sa Quirino Grandstand na susundan ng ‘Walk of Faith procession’ papuntang Quiapo Church sa ika-08 ng Enero 2023,” dagdag pa niya.

Katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahesya ng gobyerno, naka-antabay na rin ang PCG sa pag-responde sa mga insidente tulad ng terorismo, stampede, sunog, o lindol para maitaguyod ang kapakanan ng publiko.

Magpapalabas din ng “Notice to Mariners” para ipagbigay-alam sa mga tripulante at marino na magiging mas mahigpit ang pag-i-inspeksyon sa mga bangka at sasakyang pandagat mula ika-07 hanggang ika-09 ng Enero 2023.

Samantala, nanawagan naman sa publiko si PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, para sa matiwasay na pagdaos ng Nazareno 2023.