Naglunsad ng search and rescue (SAR) operation ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos tumaob ang isang PCG aluminum boat sakay ang apat na PCG rescuers sa katubigang sakop ng Aparri, Cagayan, bandang 4PM kahapon, ika-26 ng Hulyo 2023.
Papuntang MTUG Iroquois ang apat na rescuers upang sagipin ang pitong tripulanteng sakay ng naturang tugboat.
Habang binabaybay ang Cagayan River, tumaob ang aluminum boat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng Bagyong #EgayPH.
Nagsagawa ng SAR operation kaninang umaga ngunit pansamantala itong itinigil dahil sa sama ng panahon.
Nakatakda na ring magpadala ng Coast Guard Aviation Force (CGAF) helicopter sa naturang katubigan para makatulong sa paghahanap sa apat na PCG rescuers.