Bilang paghahanda sa pagdagsa ng maraming pasahero sa terminal ng Calapan Port, matiyagang ininspeksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) K9 Force Field Oprerating Unit (FOU) ng Calapan City, Oriental Mindoro ang mga maleta, bagahe ng mga pasahero at cargo sa mga barko kaugnay sa programa ng Department of Transportation - Philippines (DOTr) na OPLAN BYAHENG AYOS: SEMANA SANTA 2024, ika-26 at 27 ng Marso 2024.
Kabilang sa mga barko na sinuri ng mga K9 dogs ay ang OceanJet 5 at Stella Del Mar na nagbyahe papuntang Batangas Port.
Bago maglayag, sinisiguro ng mga PCG personnel na nasuring mabuti ang mga maleta at iba pang kagamitan ng mga pasahero ng mga barko at ng mga dumadagsa pang pasahero sa terminal.
Bukod sa PCG, aktibo rin ang PCG Auxiliary (PCGA) 505th Squadron, Maritime Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Ports Authority (PPA)- Baseport Calapan, Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Tourism ng Oriental Mindoro.
Ang programa ng DOTr ay naglalayong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng bawat pasahero ng mga barkong maglalayag ngayong Semana Santa.
Simula ika-25 hanggang ika-27 ng Marso 2024, tinatayang nasa 18,445 na ang bilang ng mga pasaherong dumating sa Calapan Port at nasa 9,487 naman ang bilang ng mga pasaherong nagbyahe papuntang Batangas Port.