Pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang National Maritime Search and Rescue Exercise, kasama ang mahigit sa 20 ahensya ng gobyerno at iba pang maritime stakeholders, sa Aklan mula ika-7 hanggang ika-8 ng Hulyo 2025.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., na naglalayong palakasin ang koordinasyon at kahandaan ng pamahalaan at pribadong sektor, partikular sa pagreresponde sa mga insidente sa karagatan.
Sa naturang pagsasanay, nagsagawa ng βscenario-based demonstrationβ kung saan isang barko ang nagpadala ng distress call, matapos ang βsimulated pirate attack.β
Sinundan ito ng mass casualty evacuation, search and rescue operation, at oil spill response, kasunod ng pagsadsad ng naturang barko.
Gamit ang mga air asset at sasakyang pandagat, gayundin ang mga makabagong life-saving equipment, lalong pinagbuti ng mga katuwang na ahensya ng gobyerno at pribadong sektor ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga aksidente at sakuna sa karagatan.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, layon ng PCG na itaguyod ang seguridad at kaligtasan sa malawak na katubigan ng bansa, gayundin ang pangangalaga sa yamang-dagat ng Pilipinas.
Sa pagtatapos ng National Maritime Search and Rescue Exercise, pinasalamatan ng PCG ang lahat ng nakiisa at nangakong patuloy na makikibahagi sa mga hakbangin tungo sa mas ligtas na karagatan para sa sambayanang Pilipino.