Kahit pagod, nananatiling nakangiti habang nagseserbisyo ang mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ng BRP Suluan (MRRV-4406) na kabahagi sa relief transport mission para sa pagbangon ng mga pamilyang nasalanta ng Bagyong #OdettePH.

Kamakailan, mabilis na naihatid ng naturang barko ang mga naipong donasyon mula sa iba’t-ibang organisasyon para sa mga residente ng Central Visayas. Kinabibilangan ito ng kahung-kahong purified drinking water, food packs, canned goods, powdered drink, hygiene supplies, at sabong panlaba.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nagpapatuloy ang malawakang relief transport mission ng PCG para sa mabilis na rehabilitasyon ng mga rehiyong naapektuhan ng nagdaang kalamidad, kabilang ang MiMaRoPa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga.