MENU

Simula ika-15 ng Disyembre 2022 hanggang ika-07 ng Enero 2023, buong pwersa ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagsisigurong ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para ipagdiwang ang kapaskuhan.

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, naka-heightened alert ang lahat ng Coast Guard District, Station, at Sub-Station sa buong bansa sa nabanggit na petsa.

Ibig sabihin, naka-deploy ang 25,000 PCG personnel sa mga matataong pantalan, passenger terminal, at iba pang transportation hub para makapaghatid ng serbisyo publiko.

“Alam niyo naman ang Coast Guard, kung saan kailangan ang ating serbisyo, nandoon tayo.  Ang sakripisyong ito ay pagtupad sa aming sinumpaang tungkulin sa bayan – na uunahin ang pangangailangan ng kapwa Pilipino, kaysa sariling interes,” ani CG Admiral Abu.

“Inaasahan natin na dadagsa ang mga pasahero para magbakasyon kasama ang kanilang pamilya, kaya kinakailangan na mas paigtingin natin ang pagsisiguro sa kanilang seguridad at kaligtasan,” dagdag pa ng Komandante.

Alinsunod naman sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, magkakaroon ng deployment ng mga PCG security personnel, K9 teams, medical officers, at PCG Auxiliary (PCGA) volunteers sa mga paliparan, istasyon ng tren, at kalsada para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mananakay ng pampublikong transportasyon.

Samantala, pinapanawagan ni CG Admiral Abu ang kooperasyon ng publiko para maging ligtas at maayos ang kanilang pagbiyahe ngayong kapaskuhan.

Ayon sa Komandante, mahalaga na planuhin nilang mabuti ang kanilang pag-uwi at maging alerto sa lahat ng pagkakataon.