Iniligtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang siyam na pasahero at kapitan na sakay ng isang bangkang pangisda na halos lumubog sa katubigan ng Hagutapay Wharf, Camotes, Cebu kahapon, ika-10 ng Mayo 2021.
Alas kwarto ng madaling araw, ibiniyahe ni Ronald Fabroa ang kanyang bangkang pangisda sakay ang siyam na pasahero, na kinabibilangan ng tatlong bata.
Habang bumibiyahe mula Barangay Daan Paz sa Camotes papuntang Barangay Puertobello sa Tudela, Cebu, unti-unting lumubog ang bangkang pangisda na ayon sa PCG Station Camotes ay kaya lamang magsakay ng isang pasahero o ang mangingisda na may-ari nito.
Nang matanggap ang report mula sa isang concerned citizen, agad na dineploy ng PCG Station Camotes ang kanilang search and rescue (SAR) team.
Pagkatapos ng SAR operation, dinala ang sampung indibiduwal sa baybayin ng Sitio Lower Saura, Barangay Puertobello para mabigyan ng medical assistance.
Sa tulong ng mga opisyales ng Barangay Puertobello, ligtas na nakauwi ang mga pasahero sa kani-kanilang tahanan.
Samantala, idiniretso naman si Fabroa sa PCG Station Camotes para sumailalim sa karagdagang imbestigasyon tungkol sa insidente.