Ito ang pangako ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Admiral George V Ursabia Jr sa mga residente ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan kahapon, ika-25 ng Mayo 2021.
Binisita ng PCG ang Pag-asa Island para mabigyan ng school supplies ang mga kabataan at maihanda ang paaralan sa paparating na pasukan.
Napag-alaman kasi ni Admiral Ursabia na karamihan sa mga kabataan ng Pag-asa Island ay gustong maging sundalo, pulis, at Coast Guard.
“Karamihan sa amin ay galing din sa mahirap at payak na pamumuhay. Kaya nga po kami pumasok sa serbisyo dahil gusto namin magkaroon ng mas maayos na buhay,” kwento ni Admiral Ursabia.
“Ngayon na pinalad kami na magkaroon ng mas maayos na buhay, obligasyon naman namin na makatulong sa mga nangangailangan. Iyan po ay kasama sa aming misyon na galing sa ating mahal na Secretary Tugade, Pangulong Duterte, at higit sa lahat, sa ating Diyos,” dagdag pa niya.
Para makamit ito, hinikayat ni Admiral Ursabia ang mga kabataan na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at tutukan ang pagtupad ng kanilang pangarap.
“Kayong mga kabataan, kayo ang makakapag-ahon sa Pag-asa Island. Gusto namin na mabigyan kayo ng maayos na edukasyon para paglaki ninyo, pwede kayong makapasok sa serbisyo. Nandito kami para maging reyalidad ang ambisyon ninyo dahil kayo ang magmamana ng Coast Guard, AFP, PNP, at iba pang sangay ng gobyerno,” paliwanag ni Admiral Ursabia.
Samantala, kinilala naman ng PCG Commandant ang PCG Auxiliary (PCGA) na nagbuhos ng donasyon para masigurong maibibigay ang mga pangangailangan ng Pag-asa Island.
“Pagbalik ng Maynila, ipepresenta po namin ang aming mga barko at tauhan sa mga organisasyon at pribadong indibiduwal na gustong magpahatid ng tulong sa inyo. Imumungkahi ko rin ang pag-adopt sa eskwelahan dito para tuluy-tuloy ang pagtulong at mabigyan ng magandang kinabukasan sa mga kabataan dito,” pangako ni Admiral Ursabia.
Si Admiral Ursabia ang kauna-unahang PCG Commandant na bumisita sa Pag-asa Island para kamustahin ang lagay ng mga residente, at alamin ang sitwasyon ng mga PCG personnel na tumutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa isla.
Ang PCG ay attached agency ng Department of Transportation - Philippines (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Arthur P. Tugade.