Sa virtual presser ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kahapon, ika-16 ng Hunyo 2021, ibinahagi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang mga pagbabagong naisakatuparan sa Philippine Coast Guard (PCG) sa nakalipas na limang taon.
"Alam niyo 'ho ba noong nag-assume ako, ang populasyon lang ng Philippine Coast Guard ay LESS THAN 6,000? As we speak today, yung Philippine Coast Guard ‘ho 18,500 STRONG na ‘yan and continuing kasi papaano mo pangangalagaan yung karagatan? Papaano mo titingnan yung SECURITY, RESCUE, RELIEF OPERATION kung wala kang tao? Kaya nga ba’t minabuti namin, kasama ko si Commandant, Admiral Ursabia na palawigin at dagdagan ang PERSONNEL COMPONENT ng ating Philippine Coast Guard," pahayag ni Secretary Tugade.
Sinalaysay din ng Kalihim na kasabay ng pagpapalakas sa pwersa ng Coast Guard ay ang pagpapalawak ng maritime at aerial asset ng serbisyo.
Noong 2018, dumating sa Pilipinas ang 10 multi-role response vessel (MRRV) mula sa Japan. Ito ang itinuturing na 'workhorse' ng PCG, partikular sa pagsasagawa ng mga mandato nito na maritime law enforcement, maritime security, maritime safety, maritime search and rescue, at marine environmental protection.
Dumagdag din sa maritime asset ng PCG ang apat na fast patrol boat at isang offshore patrol vessel (OPV) mula sa France.
“Ina-address din ‘ho namin ‘yung security sa karagatan, na kung saan ‘yung Philippine Coast Guard ay balitang-balita ngayon sa rescue at relief operation, at balita rin sila sa tinatawag na pag-aasikaso ng security ng ating karagatan, lalo’t higit sa West Philippine Sea," salaysay ni Secretary Tugade.
"Tuluyan din ‘ho ‘yung mga improvement. Nag-acquire ako ng mga asset. Call it helicopter. Call it multi-role response vessel. Lahat 'ho ito, pati patrol boat. In fact, never before na nagkaroon ang Philippine Coast Guard ng ganito kalawak at kalaking maritime assets,” pagpapatuloy ng Kalihim.
Higit sa lahat, ibinahagi rin ni Secretary Tugade ang matagumpay na pagpapatayo ng karagdagang lighthouse sa iba’t-ibang strategic maritime location sa bansa na tumutulong sa ligtas na paglalayag ng mga barko at maliliit na bangka sa karagatan.