Isinailalim na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa training ang 24 na medical personnel na bahagi ng special hiring sa kasagsagan ng pandemya noong nagdaang taon.
Kasunod ito ng patuloy na pagbuti ng lagay ng national health system at pagdami ng mga Pilipinong nababakunahan laban sa COVID-19.
Ang mga naturang medical personnel na kinabibilangan ng 14 na nurse at 10 medical technologist ay bahagi ng Coast Guard Officer’s Course (CGOC) Class 27 – 2021 “Charlie” na sumalang sa convening ceremony sa PCG regional training center sa Bagac, Bataan kahapon, ika-12 ng Nobyembre 2021.
Kasama nila sa klase ang anim na doktor, limang abugado, limang pari, at tatlong pastor na nais ring maglingkod sa bayan bilang mga miyembro ng PCG.
Samantala, sumalang rin sa convening ceremony sa ilalim naman ng CGOC Class 27 – 2021 “Bravo” ang 49 na PCG enlisted personnel na nagnanais maging PCG commissioned officers. Ito ay matapos nilang makapasa sa Civil Service Commission (CSC) examination na isa sa mahalagang requirement para ma-komisyon bilang Coast Guard officer.
Ang CGOC Class 28 – 2021 “Alpha” naman ay binubuo ng 68 trainee na nakapagtapos sa United States Coast Guard Academy (USCGA), Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), at Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP).
Umabot sa 342 trainee ng tatlong klase ng CGOC ang sabay-sabay na sumalang sa Coast Guard training na tatagal ng ilang buwan. Layon nitong hasain ang kanilang karakter bilang mga lingkod bayan na magiging epektibong kinatawan ng PCG sa pagsasakatuparan ng mga mandato nito sa sambayanang Pilipino.
Bago sumailalim sa training, sumalang ang mga recruits sa masinsinang medical evaluation at health assessment para masigurong ‘physically fit’ ang kanilang pangangatawan – handa sa mga pagsubok na haharapin sa loob ng training center.