Magandang balita para sa mga aplikante ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatira sa Eastern Samar!
Naging matagumpay ang pirmahan ng ‘deed of donation’ sa gitna ng PCG at LGU ng Dolores para sa pagpapatayo ng PCG REGIONAL TRAINING CENTER sa LIMANG EKTARYANG LUPA sa munisipalidad ngayong araw, ika-16 ng Disyembre 2021.
Pinangunahan nina PCG District Eastern Visayas Commander, CG Captain Marco Antonio Gines at Dolores Mayor Shonny Niño Carpeso ang naturang seremonya.
Nakibahagi rin dito si Eastern Samar Governor Ben Evardone at kanyang kinatawan na si Dr. Zaldy Carpeso.
Ayon kay Mayor Carpeso, naniniwala siya na sa pagbubukas ng PCG regional training center, dadami ang mga residenteng magsisilbi sa bansa bilang ‘Coast Guard’. Dagdag pa rito, mapapalakas nito ang presensya ng PCG sa Eastern Samar tungo sa kaligtasan at seguridad ng mga marino, mangingisda, at pasahero sa malawak na katubigan ng rehiyon.
Samantala, ipinahayag naman ni CG Captain Gines ang pasasalamat ng PCG sa LGU ng Dolores sa pagkilala nito sa kontribusyon ng serbisyo sa pag-unlad ng munisipalidad. Ipinangako rin ng PCG District Eastern Visayas Commander na gagamitin ang donasyon ng Dolores LGU sa paghahasa ng mga lingkod bayang magseserbisyo nang may pagpapakumbaba at pagmamalasakit sa kapwa.