Nakarating po sa pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang hinanaing na hindi pinahihintulutan ng PCG unit sa Siargao Island ang pagbiyahe ng mga residente at turista paalis ng Isla, sa kabila ng bumubuting lagay ng panahon.
Batid po ng PCG ang kasalukuyang sitwasyon ng ating mga kababayan sa Isla. Hindi po biro ang pinsalang iniwan ng Bagyong #OdettePH, kaya naman sa unang relief transport mission na isasagawa ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) ngayong araw, ika-19 ng Disyembre 2021, ang Isla ng Siargao ang isa sa pinaka-unang hahatiran ng tulong.
Para sa impormasyon ng publiko, maaari na pong bumiyahe papunta at paalis ng Isla. Ang problema po sa kasalukuyan ay ang kawalan ng sasakyang pandagat na bibiyahe sa rutang ito.
Karamihan po kasi ng mga barkong nag-take shelter para maka-iwas sa pinsala ng bagyo ay lubos na naapektuhan at nagtamo ng matitinding sira. Karamihan sa mga barkong ito ay kasalukuyang sumasailalim sa repair. Ang ilan namang sumadsad sa mababaw na parte ng katubigan ay kasalukuyang sina-salvage para muling maibalik sa operasyon.
Base sa direktiba ni Department of Transportation - Philippines (DOTr) Secretary Art Tugade, ipinag-utos na po ni PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo V Laroya ang pag-de-deploy ng mga PCG ships sa Siargao Island para magamit ng mga residente at turista papuntang Surigao City. Ganito rin po ang sitwasyon sa Dinagat Islands.
Mamayang hapon, asahan po ang pagdating ng BRP Sindangan (MRRV-4407) sa Siargao Island para magbiyahe ng mga residente at turistang kinakailangan makarating sa Surigao City. Magsasagawa po ito ng sunud-sunod na transport mission, hanggang kinakailangan.
Dagdag pa rito, kasalukuyan pong nakikipag-koordinasyon ang PCG sa malalaking shipping companies sa bansa para mag-request ng passenger vessels na maaaring magamit sa isla para makatulong sa malawakang transport mission.
Sa pagsisimula ng pagbangon sa bansa sa epektong iniwan ng Bagyong Odette, hiling po namin ang pakikiisa at pag-unawa ng publiko. Ginagawa po ng PCG at ng iba pang ahensya ng gobyerno ang lahat para makatulong sa agarang rehabilitasyon ng mga apektadong probinsya.
Makakaasa po kayo na kahit pa sa paparating na kapaskuhan, hindi titigil ang inyong PCG sa paglilingkod sa ating mga kababayan, saanmang bahagi ng bansa kinakailangan ang serbisyong Coast Guard.