Ganito inilarawan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang pinakabago at pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kasalukuyan, ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Teresa Magbanua (MRRV-9701).
Ngayong araw, ika-06 ng Mayo 2022, isinagawa ng PCG ang commissioning ceremony ng naturang 97-meter multi-role response vessel (MRRV) sa Pier 15, Port Area, Manila.
Ginawa ito ng Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd. na naka-modelo sa Kunigami-class vessel ng Japan Coast Guard (JCG).
Kaya naman sinuportahan din nina Japan Ambassador to the Philippines, His Excellency Kazuhiko Koshikawa at Chief Representative Takema Sakamoto ng Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines ang naturang seremonya.
Nakibahagi rin dito ang pamilya ni Teresa Magbanua na kilala bilang "Visayan Joan of Arc."
“As we celebrate BRP Teresa Magbanua, we reaffirm our consecration as Philippine Coast Guard to the service of people; to the service of country," ani Secretary Tugade.
"Sinasabi natin sa sambayan: Sambayanang Pilipino, nandidito kami ngayon, kasama na namin ang dagdag na numero. Kasama na namin ang pasilidad na kung saan, umasa kayo na gagawin ng Philippine Coast Guard ang kanyang katungkulan nang sa ganon mapalaganap at mapalago yung humanitarian at safety concerns and commitments ng Philippine Coast Guard,” pahayag pa niya.
Dagdag pa rito, pinasalamatan din ng Kalihim ang mga kinatawan ng Japanese Government sa kanilang patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa mga proyekto ng Duterte administration, lalo na tungo sa modernisasyon ng PCG.
“Ito ‘ho ay magpapatunay at magpapabigay-tibay na yung samahan ng Republika ng Pilipinas at Gobyerno ng Hapon ay ‘firmed and strong’ and it will continue to be firmed and strong," pagpapatuloy ni Secretary Tugade.
"You have shown indeed that you are always ready and willing to demonstrate the relationship between your country and ours will be firm and stronger over the years,” aniya.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, darating sa bansa ang ikalawang 97-meter MRRV sa susunod na buwan, Hunyo 2022. Sa oras na ma-komisyon sa serbisyo, tatawagin itong BRP Melchora Aquino (MRRV-9702).
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Komandante ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at DOTr Secretary Tugade sa kanilang pagpapaigting sa pwersa at kakayanan ng PCG.
“Thank you so much, President Duterte and Secretary Tugade, for transforming the Coast Guard into a strong, capable, and reliable uniformed, armed, sea going, and humanitarian service of our country," ani CG Admiral Abu.
"We are truly indebted to your sterling leadership and exceptional level of patriotism coupled with unparalleled commitment in doing public service,” pahayag pa niya.
Ang dalawang barkong ito – pinakamalalaking assets ng Coast Guard Fleet – ay bahagi ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase 2 (MSCIP II) ng DOTr tungo sa tuluy-tuloy at progresibong modernisasyon ng PCG.