Puspusan ang paghahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kaninang umaga, ika-22 ng Hunyo 2022, inihanda ng PCG ang ilan sa mga floating assets at security groups na i-de-deploy sa ika-30 ng Hunyo 2022 para tumulong sa pagpapanatili ng kaligtasan, seguridad, at kapayapaan kasabay ng panunumpa ni President-elect Marcos sa Maynila.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, asahan ng publiko ang mahigpit na pagpapatrolya ng tatlong multi-role response vessels (MRRVs) at humigit-kumulang 10 pang PCG floating assets sa katubigan ng Manila Bay at Pasig River, gayundin ang pagbabantay ng mga PCG land vehicles sa daloy ng trapiko sa mga kalsadang malapit sa National Museum kung saan magaganap ang inagurasyon.
“Right now, we have no serious threats to public safety, pero ayaw nating magpa-kampante. We are mustering 300 personnel forming security forces, K9 teams, and medical groups to make sure that we will be able to uphold peace and security during the inauguration of our President-elect. We are also preparing 200 more personnel for possible augmentation,” ani CG Admiral Abu.
“Alam niyo naman tayo sa PCG – we are anywhere and everywhere. Kung saan tayo kailangan, nandoon tayo,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Komandante, inatasan niya ang security force ng PCG District NCR – Central Luzon na maghanda at makipag-koordinasyon sa AFP at PNP para masiguro ang maximum security support sa ika-30 ng Hunyo 2022. Nasa 300 sa mga ito ang naka-duty, habang 200 naman ang naka-standby para sa posibleng augmentation.
Kabilang din sa mahigpit na security protocol ay ang pag-de-deklara ng “No Sail Zone” sa ilang bahagi ng Pasig River na bahagi ng Malacañang Restricted Area.
“Panawagan lang po natin sa ating mga kababayan, lalo na po sa nais tunghayan ang panunumpa ni President-elect Marcos dito sa Maynila, sumunod po tayo sa ipinapatupad na safety guidelines. Iwasan po natin ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay at panatiliin po natin ang pagsusuot ng face mask dahil nasa gitna pa rin po tayo ng pandemya,” ayon kay CG Admiral Abu.
“Makakaasa po kayo na kabahagi ang PCG sa pagsisiguro na magiging mapayapa ang pagsisimula ng Marcos – Duterte administration,” pagtatapos niya.