Rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) Station Malacañang sa banggaan ng dalawang bangka sa kasagsagan ng fluvial parade na bahagi ng Taguig River Festival bandang 2:00 p.m. kahapon, ika-26 ng Hulyo 2022.
Naganap ang insidente sa katubigan ng Bambang Bridge sa Barangay Tuktukan, Taguig City.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang hindi opisyal at hindi otorisado ang partisipasyon ng dalawang bangkang sangkot sa aksidente sa nasabing aktibidad.
Agad na ni-rescue ang mga pasahero ng dalawang bangka, habang isa naman ang napag-alamang nawawala.
Bandang 6:00 p.m., nagsagawa ng underwater search ang PCG Special Operations Unit (SOU) Malacañang para mahanap ang nawawalang pasahero. Pansamantalang itinigil ang operasyon bandang 8:00 p.m. dahil sa malakas na agos at “poor visibility.”
Bandang 2:20 a.m. ngayong araw, ika-27 ng Hulyo 2022, muling nilibot ng mga PCG personnel ang paligid ng ilog bilang pagpapatuloy ng search and rescue (SAR) operation.
Kaninang 6:20 a.m., natagpuan ng joint SAR team ang katawan ng biktima 30 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Kinilala itong si Mr. Chester Romero, 30 taong gulang, na nakatira sa Barangay Bambang, Taguig City.
Kinumpirma ito ng kanyang pamilya na kasama ng joint SAR team nang ma-recover ang kanyang mga labi.
Bandang 7:00 a.m., itinurn over ang katawan ng biktima sa kanyang kapatid na si Mr. Jerome Romero.
Liban sa PCG, katuwang din sa naturang joint SAR operation ang Taguig City Rescue, Taguig City Fire Rescue, Taguig City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Taguig City Philippine National Police (PNP), at Lake and River Management Office (LRMO) ng Taguig City.