MENU

Dalawang Philippine Coast Guard (PCG) officers ang tutulong sa pagtuturo sa mga kabataan ng Pag-asa Island sa muling pagbubukas ng klase sa bukas, ika-22 ng Agosto 2022.

Sila ay sina CG ENSIGN JEV LATIC (27 taong gulang) at CG ENSIGN ARNEL GOMORA (24 na taong gulang) — mga lisensyadong guro na nakatalaga sa PCG Station Kalayaan.

Ayon kay CG Commodore Rommel Supangan, Commander ng PCG District Palawan, nag-iisa lang ang guro sa Isla na humahawak sa lahat ng estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 6.

“Nakita natin yung pangangailangan ng karagdagang guro sa Isla. Dito nga sa mainland, damang-dama natin yung pinagdadaanang hirap ng mga guro para sa pagbubukas ng klase, papaano pa kaya sa Isla na si Teacher Realyn Limbo lang ang nag-aasikaso ng lahat,” ani CG Commodore Supangan.

“Kaya nakipag-ugnayan tayo kaya Mayor Roberto Del Mundo ng Kalayaan, Palawan para makatulong sa pangangailangan ng paaralan, ni Teacher Realyn, at ng mga estudyante,” dagdag pa niya.

Sina CG Ensign Latic at CG Ensign Gomora ay parehong nagtapos sa kursong Bachelor of Elementary Education at ngayon ay nagsisilbi bilang Station Commander (Latic) at Deputy Station Commander (Gomora) ng PCG Station Kalayaan.

Noong ika-17 ng Agosto 2022, pinangunahan nina National Security Adviser, Dr. Clarita Carlos at Auxiliary Commodore Sara Soliven-De Guzman ng PCG Auxiliary (PCGA) Executive Squadron ang paglulunsad ng “PCG-OB COMMUNITY CENTER” sa Pag-asa Island.

Layon ng inisiyatibong ito na palawakin ang kaalaman ng mga kabataan at hikayatin sila na makibahagi sa pangangalaga sa likas na yaman ng Isla.

Sa tulong ng Operation Brotherhood (OB) Community Foundation Inc., itinayo ang PCG-OB Community Center na puno ng samu’t-saring learning materials at iba pang kagamitan para makatulong sa edukasyon ng mga kabataan.

“Simula palang ito. Marami pa tayong gagawin para mapagbuti ang pag-aaral ng mga kabataan sa Isla. Sa tulong ng PCG Auxiliary, magagawa natin lahat ito," pagbabahagi ni CG Commodore Supangan.

"Kahit malayo, kahit mahirap, patuloy tayong makikiisa sa pagbibigay ng kapaki-pakinabang na edukasyon sa mga kabataan ng Pag-asa Island dahil naniniwala tayo na malaking bagay ang edukasyon sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan,” pagtatapos niya.