Inihahanda na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga deployable response groups (DRGs) tungo sa agarang pag-responde sa anumang insidente ngayong tag-ulan.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., ipinag-utos ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil L Gavan PCG, ang muling pagbuo ng mga DRGs na tumutulong sa lokal na pamahalaan, partikular sa pagsasagawa ng preemptive evacuation at rescue operation kasunod ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Mas pinaigting na rin ng mga PCG personnel ang pagpapatrolya upang paalalahanan ang mga mangingisda na manatiling alerto sa pinakahuling lagay ng panahon. Hinihikayat din nila ang mga ito na pansamantalang tumigil sa pagpalaot, lalo na sa mga oras kung kailan may nakataas na public storm warning signal (PSWS).
Samantala, patuloy ang mahigpit na pag-iinspeksyon ng PCG sa mga barko at iba pang sasakyang pandagat, gayundin sa kanilang mga tripulante, upang mapanatili ang kaligtasan sa paglalayag.
Sa mga oras na ito, inihahanda na rin ang mga Coast Guard search and rescue (SAR) asset upang mabilis na maka-responde sa mga insidente ng pagbaha o anumang sakuna dulot ng tag-ulan.
Pagtitiyak ng PCG, regular na sumasailalim sa disaster response at SAR training ang mga tauhan nito tungo sa pagtataguyod ng kaligtasan at seguridad ng mga residente sa kani-kanilang area of responsibility (AOR).
Tuluy-tuloy din ang koordinasyon ng PCG sa iba pang ahensya ng gobyerno na katuwang sa pagbibigay ng mabilis at maaasahang serbisyo publiko ngayong tag-ulan.