Muling isinabuhay ng isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sinumpaang tungkulin na maglilingkod para sa kapakanan ng kapwa Pilipino.
Noong ika-01 ng Enero 2021, iniligtas ni Seaman First Class (SN1) Aljimar J Yusop ang motor rider na kinilala bilang si Noel M. Tutas, residente ng Domalinao, Zamboanga del Sur, matapos makabanggaan ang isang van sa kahabaan ng Barangay Talon-Talon, Zamboanga City.
Dahil dito, bumuwal ang motorsiklo at tumama ang ulo ng biktima sa sementadong kalsada.
Bilang isa sa mga saksi, agad na rumesponde si SN1 Yusop sa pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR). Makalipas lamang ang tatlong minuto, muling nagkamalay ang biktima na agad na dinala sa Zamboanga City Medical Hospital.
Saludo kami sa iyo, SN1 Yusop! Modelo ka ng isang lingkod bayan na may takot sa Diyos, mapagmahal sa bansa, at mapagmalasakit sa kapwa.
Sa iyong kabayanihan, nahikayat mo ang bawat miyembro ng serbisyo na patuloy na isabuhay ang ating sinumpaang tungkulin sa bayan!