Ngayong National Women's Month, kinakampanya ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Admiral George V Ursabia Jr ang respeto at pagpapahalaga sa mga kababaihan sa serbisyo na kabahagi sa katagumpayang tinatamasa ng PCG sa kabila ng nagpapatuloy na pandemya.
Sa pinakahuling tala ng PCG Human Resource Management, humigit-kumulang 2,600 sa 18,500 na miyembro ng PCG ay mga kababaihan.
Liban sa pagsasagawa ng administrative at internal operation, nangunguna rin ang mga 'female PCG personnel' sa pangangasiwa ng mga Coast Guard asset tulad ng barko at sasakyang panghimpapawid.
Sa tulong ng PCG Gender and Development (GAD) unit na pinamumunuan ni Commander Leila A Tatel, sinisiguro ng Coast Guard na nabibigyan ng mga oportunidad ang mga 'female PCG personnel' para mapalawak ang kanilang kaalaman at kakayanan tungo sa lalong pagpapabuti ng kanilang serbisyo.
Sa katunayan, noong ika-26 ng Pebrero 2021, opisyal na nanumpa sa harap ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang kauna-unahang babaeng heneral ng PCG β sina Commodore Luz L Escarrilla at Commodore Fran F Eden β na liban sa pagiging mga lisensiyadong doktor ay namamahala rin sa operasyon ng Coast Guard Civil Relations Service at Coast Guard Medical Service.
Higit sa lahat, tinitiyak ni Commander Tatel na ligtas ang bawat miyembro ng Coast Guard, anuman ang kanilang kasarian o sexual orientation, laban sa iba't-ibang uri ng diskriminasyon o karahasan sa serbisyo.