Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang mangingisda sa karagatang sakop ng Orion, Bataan kahapon, 07 Hulyo 2025.
Ang matagumpay na search and rescue (SAR) operation na isinagawa ng Coast Guard Station (CGS) Bataan at BRP Boracay (FPB-2401) ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa karagatan at paigtingin ang seguridad sa mga katubigang sakop ng bansa.
Namataan ng BRP Boracay (FPB-2401) kahapon 07 Hulyo 2025, ang dalawang mangingisda na nakakapit sa kanilang kalahating lumubog na bangka, humigit-kumulang 4.7 nautical miles hilagang-silangan ng Orion, Bataan.
Mabilis na isinagawa ng Coast Guard SAR team ang ligtas at maayos na pagsagip. Pagsapit ng alas 9:50 ng umaga, ligtas nang naipasakay ang dalawa at nabigyan ng paunang tulong.
Matapos nito, nagtungo ang 24-meter fast patrol boat ng PCG sa Port of Capinpin sa Orion kung saan nakaantabay ang CGS Bataan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Orion, at ang mga pamilya ng mangingisda.
Pagdating nila, agad silang sumailalim sa medikal na pagsusuri at dinala sa Rural Health Unit (RHU) sa Barangay Wawa, Orion, para sa karagdagang obserbasyon at pangangalagang medikal.
Ayon sa CGS Bataan, ang matagumpay na operasyon ay malinaw na patunay ng dedikasyon, kahandaan, at koordinasyon ng PCG sa pagtupad ng kanilang mandato na magligtas ng buhay sa karagatan.
Β